Mga bicycle rider na nagtipon-tipon sa labas ng Quiapo Church, inaresto ng MPD

Nasa higit 100 bicycle riders o siklista ang pinaghuhuli ng Manila Police District (MPD) – Station-3 matapos na magtipon-tipon sa labas ng simbahan ng Quiapo.

Ang mga nasabing siklista ay nagmula pa sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila kung saan inaresto sila dahil sa paglabag sa ilang guidelines sa ipinatutupad ngayong Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Sa isang panayam kay Police Lt. Col. John Guiagui, Commander ng MPD Station-3, pawang mga hindi Authorized Persons Outside Residence (APOR) ang mga hinuli nilang siklista na nagtungo sa Quiapo Church para magdasal bunsod na rin ng selebrasyon ng Linggo ng Pagkabuhay.


Sinabi ni Guiagui na malinaw na isang paglabag ang ginawa ng mga siklista lalo na’t hindi sila maaaring magtungo kung saan-saan dahil na rin sa ipinatutupad na ECQ.

Bagama’t pinapayagan ang lahat na magsagawa ng exercises mula alas-6:00 hanggang alas-9:00 ng umaga, ipinaliwanag ni Guiagui na maaari naman itong gawin sa labas o malapit sa kanilang mga tahanan pero hindi nangangahulugan na maaari na silang magpunta sa ibang lungsod.

Sa ngayon, inihahanda na ng MPD Station-3 ang kaukulang kaso laban sa mga inarestong siklista kung saan muli nilang hinihimok ang publiko na maiging makinig o manood na lang ng misa sa TV, radio o kaya ay online.

Facebook Comments