Nagawa pang makipambuno ng mag-asawang biktima ng robbery holdap sa mga suspek na nakapatay kay San Miguel Police Chief Lt. Col. Marlon Serna.
Ayon kay San Miguel Police Station officer-in-charge Police Lt. Col. Jerome Jay Ragonton, nilooban ng isa sa mga suspek ang sari-sari store ng biktimang si Ernesto Dela Cruz sa Barangay San Juan.
Nakapanlaban pa umano ang biktima at nahawakan ang baril ng suspek at napindot ang release botton ng magazine.
Habang nagpapambuno ay inutusan ni Dela Cruz ang kanyang misis na kumuha ng itak at apat na beses na tinaga sa ulo ang suspek.
“Nung nahawakan ngayon ng biktima yung baril, yung misis niya is nabigyan niya ng instruction kasi na-clip na niya e yung tao tsaka yung baril, so nabigyan niya ng instruction na kumuha ng itak at nataga nung babae yung suspek natin, mga four times,” kwento ni Ragonton sa panayam ng DZXL.
“Sa kwento pa ng biktima, halos nawalan na rin siya ng lakas, na-release niya yung kamay niya sa trigger ng baril, naiputok ngayon suspek yung baril niya, tinamaan yung misis,” aniya pa.
Nakatakas naman ang suspek kasama ang nagsilbing lookout sakay sa motorsiklo.
Dito na nagdesisyon si Serna na tumulong sa hot pursuit operation kung saan nila naabutan ang mga suspek sa Barangay Bulong na Mangga.
“Yung description, kasi nga sinabi na naitak ito ng biktima, laylay na yung ulo niya na nakaangkas. From there, nung approaching na sila sa Bulong na Mangga na area sa San Ildefonso, so nagkasalubong sila do’n, nakita nila na meron ngang motor na nakalaylay [yung angkas] same dun sa description,” saad pa ng OIC chief.
“Huminto sina hepe para pahintuin sana yung motor pero pagkababa ni hepe e yun na, nagkabarilan na.”
Naisugod pa sa ospital si Serna pero binawian din ng buhay matapos na magtamo ng tama ng baril sa ulo.
Nagpapagaling naman sa ospital ang misis ni Dela Cruz na nabaril din sa kanang hita sa gitna ng pakikipambuno sa suspek.