Mga biktima ng panggagantso, dapat sagklolohan ng BSP

Iginiit ni Senator Grace Poe sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na itaguyod ang karapatan ng mga konsumer at gamitin ang angking impluwensiya sa mga bangko para matiyak na maibalik ang pera ng mga naging biktima ng panloloko.

Binanggit ni Poe na may ilang grupo na ang binuo sa social media para sa mga biktima ng online bank fraud.

Sa isang grupo ay lumantad ang mahigit 150 biktima na nawalan ng aabot sa kabuuang P7.5 milyon.


Nabatid din ni Poe na umaabot sa 23,000 reklamo ang natanggap ng online chatbot sa website ng BSP simula nang buksan nila ito sa publiko noong nagdaang taon.

Ayon kay Poe, kung matutugunan ang mga hinaing ng mga konsumer at matulungan silang maibalik ang pinaghirapan nilang pera, ay mas mapapalakas ang kumpiyansa ng mga konsumer sa bangko at online transaction.

Umaasa si Poe na ang naipasang amiyenda sa Anti-Money Laundering Act ay makakatulong para madetermina ang money trail at makatulong na maresolba ang ilang kaso ng money laundering.

Facebook Comments