Mga biktima ng pangha-harass at pananakot ng ilang OLA, nagpasaklolo sa PNP Anti-Cyber Crime Group

Nagpasaklolo sa Philippine National Police Anti-Cybercrime Group ang nasa 50 indibidwal na nabiktima ng pangha-harass ng online lending applications (OLA) platforms collection agents.

Ang mga biktima ay mula sa United Online Lending Apps Victims Movement, Victims of Online Lending Apps Harassment, The Voice Online Lending Victim Harassment, The Philippine Association of Loan Shark Victims Inc. at iba pa.

Anila, nakaranas sila ng harassment, pamamahiya at nakatanggap pa ng pagbabanta sa buhay mula sa collecting agents ng online lenders noong hindi sila nakapagbayad on time ng kanilang loans.


Ipinagharap din nila ang 15 online lenders ng patong-patong na kaso tulad ng cyberbullying, harassment, grave threat, at data privacy violations.

Kwento ng mga ito, ang ilan sa mga biktima ay nakatanggap pa ng funeral flower arrangement at kabaong dahil sa hindi mabayarang utang.

Kasunod nito, umaapela sila sa Kongreso na magpasa ng batas laban sa mapang-abusong gawain ng online lending firms.

Nitong Mayo ay matatandaang inaresto ng mga awtoridad ang walong agents ng isang online lending agency sa Pasay City dahil sa pamamahiya sa debtors sa social media, habang noong Lunes lamang ay nasa mahigit 30 empleyado ng OLA at 6 na OLA companies ang sinampulan ng kaso ng Security and Exchange Commission dahil sa parehong reklamo.

Facebook Comments