Humihirit ang Office of the Presidential Adviser on Muslim Affairs sa Bureau of Corrections (BuCor) ihiwalay ng kulungan ang mga bilanggong Muslim.
Ayon kay Presidential Adviser on Muslim Affairs Almarim Tillah, ito ay para mapanatili ang kultura ng mga Muslim sa loob ng mga kulungan.
Ginawa ni Tillah ang apela sa pakikipagpulong kay BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr.
Sabi ni Tillah na ang paghihiwalay sa mga Muslim ay magreresulta sa mas maayos na pangangasiwa sa kanilang piitan, proteksiyon at kaligtasan.
Masisiguro aniya na malayang makapagpapahayag ang mga Muslim ng kanilang pananampalataya at masisiguro na mabibigyan ng tamang pagkain.
Sinabi naman ni Catapang na kaniyang idudulog ang nasabing mungkahi kay Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla.
Sa datos ng BuCor, nasa 2,803 Muslim ang nakakulong sa iba’t ibang bilangguan na pinangangasiwaan ng ahensya, habang 657 naman ang napalaya na sa panahon ng pamumuno ni Remulla.