MGA BINABAHANG RESIDENTE SA BARANGAY LEKEP-BUTAO, SAN FABIAN, HUMIHINGI NG TULONG AT PAGBABAGO

Muling nakaranas ng pagbaha ang Barangay Lekep-Butao sa bayan ng San Fabian matapos ang sunod-sunod na pag-ulan dulot ng Bagyong Mirasol at Super Typhoon Nando.
Ayon sa mga residente, ang ganitong sitwasyon ay matagal nang nararanasan sa tuwing may malakas na pag-ulan o bagyo. Ilan sa kanila ang nagsabing naging bahagi na ito ng kanilang normal na pamumuhay tuwing tag-ulan.
Sa panayam ng IFM News Dagupan kay Beverly, 48 taong gulang at isang Barangay Health Worker, sinabi niyang halos kasing tagal na ng kanyang edad ang problema ng pagbaha sa kanilang lugar.
Aniya, umaasa sila na mabibigyan ng pansin ang kanilang barangay para maisagawa ang nararapat na mga hakbang sa pag-iwas o pagbawas ng epekto ng pagbaha.
Ang Barangay Lekep-Butao ay malapit sa Cayanga River, isang ilog na madalas umapaw sa panahon ng malakas na ulan. Ang ilog ay sumasalo ng tubig mula sa upland areas, na nagdudulot ng mabilis na pagtaas ng tubig sa mga mababang bahagi ng barangay.
Sa kabilang banda, Nanawagan ang mga residente na sana’y mabigyang pansin na ng mga kinauukulan ang kanilang matagal nang suliranin, lalo na’t tila taon-taon na lang itong nauulit.
Hiling nila ang mas maayos na drainage system, pagpapatibay ng mga flood control structures, at agarang aksyon mula sa lokal at pambansang pamahalaan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣
Facebook Comments