Simula ngayong araw ay gagamitin na ang mga bagong body cameras na binili ng Philippine National Police (PNP).
Una nang sinabi ni PNP Chief Gen Guillermo Eleazar, na ang 2,696 na mga biniling body cameras ay naipadala na sa 171 city police stations sa buong bansa.
Aniya, bawat isang istasyon ay binigyan ng 16 units ng mga body cameras kung saan walo rito ang gagamitin sa mga drug operation habang ang nalalabi ay gagamitin para sa iba pang operasyon.
Binili ng PNP ang mga body cameras para mapawi ang pangamba ng publiko hinggil sa mga ginagawang paglabag ng mga Pulis sa tuwing magsasagawa ng operasyon partikular drug operation.
Kaugnay nito una nang natapos sanayin ang mga pulis sa National Capital Region Police Office (NCRPO) sa paggamit ng mga biniling body cameras.
Sa mga susunod na panahon target ng PNP na bumili ng karagdagang 32,136 na mga body cameras para mabigyan na rin ang mga nasa Municipal Police Stations at para makumpleto na ang requirements na ang kabuuang 34,832 na mga body cameras para sa buong PNP.