Mga bisita sa SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte, posibleng madagdagan

Ikinukonsidera ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na dagdagan ang mga bisita na dadalo sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa July 26.

Ayon kay House Secretary General Mark Llandro Mendoza, pinag-aaralan na nila na itaas sa 150-200 guests ang makapasok sa plenaryo para sa SONA ng Presidente ngayong taon.

Plano ring i-adjust ang set-up ng mga ookupa sa plenaryo kung saan ang mga senador at ibang House members ay sa plenary mismo at first gallery habang ang ibang bisita ay nasa second gallery.


Titiyakin naman na ang lahat ng papasok ng plenaryo ay fully vaccinated na.

Para naman masigurong walang may sakit na makakapasok sa mismong okasyon ay hihingan pa rin ng RT-PCR test result at sasailalim sa rapid test ang mga dadalo.

Posibleng ang government media pa rin ang papayagang mag-cover sa SONA tulad noong nakaraang taon.

Dagdag pa ni Mendoza, wala pang direktor para sa SONA at palasyo na ang bahala rito dahil ang Kamara at Senado ang siya namang in-charge o nakatoka sa paghahanda.

Facebook Comments