Mga bisitang magpopositibo sa antigen test sa mismong araw ng SONA, hindi papapasukin sa Batasan Complex kahit pa may dalang negative RT-PCR result

Striktong susundin ng Kamara ang hindi pagpapasok sa Batasan Complex sa mga bisitang magpopositibo sa antigen test bunsod pa rin ng banta ng Delta variant.

Ito ay kahit pa may dalang negative RT-PCR result ang dadalo sa State of the Nation Address (SONA) ng pangulo sa Lunes.

Ayon kay House Medical and Dental Service OIC-Director Dr. Raffy Valencia, hindi papapasukin ng Presidential Security Group (PSG) sa Batasan ang mga magpopositibo sa antigen test na isasagawa sa mismong araw ng SONA.


Ang mga magpopositibo sa antigen test ay dadalhin sa Rosario Maclang Bautista General Hospital o Diliman Doctors Hospital o kaya naman ay pauuwiin at ipapakonsulta sa doktor.

Nagpaalala rin ang Mababang Kapulungan sa mga guests sa SONA na papayagan lamang ng PSG ang pagsusuot ng “fashion masks” na ka-terno ng mga damit para sa posterity at picture taking pero kapag papasok na sa loob ng plenaryo ay papalitan na ito ng medical grade mask.

Magbibigay rin ang PSG ng face shields sa oras na pumasok sa main building.

Magtatalaga rin ng shuttle para sa mga kailangang lumipat ng gusali dahil hindi papayagan ng PSG ang paglalakad sa daan sa loob ng Batasan Complex.

Facebook Comments