Pinapayagan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang mga biyahero galing sa Hong Kong, Macau, Brazil at Israel na makapasok sa Pilipinas kahit walang visa sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Batay sa IATF Resolution 164-A, ang mga dayuhan na may hawak na Hong Kong Special Administrative Region (SAR) o Macau SAR passport ay maaaring manatili sa bansa ng hindi hihigit sa 14 na araw.
Ang mga dayuhan naman na mula sa Brazil at Israel ay papayagang manatili sa Pilipinas ng hindi lalagpas sa 59 na araw.
Gayunman papayagan silang makapasok sa bansa kung:
– sila ay fully vaccinated na laban sa COVID-19
– mayroong proof of vaccination
– mayroong negative RT-PCR test na isinagawa 48 oras o negative laboratory antigen test na kinuha 24 oras bago dumating sa bansa
– mayroong valid passports na may bisa ng hindi bababa sa anim (6) na buwan.