Inihayag ng pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) na maaaring mag-refund o magpa-rebook nang libre ang mga biyahero mula sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan na ang mga biyahe ay nakansela dahil sa ipinairal na General Community Quarantine (GCQ) bubble ng pamahalaan.
Ayon kay DOTr Undersecretary Artemio Tuazon, naglabas na ng kautusan ang Civil Aeronautics Board at Maritime Industry Authority (MARINA), papayagan ang mga biyaherong nakansela ang biyahe na magpa-rebook at mag-refund nang wala na silang kailangan pang bayaran.
Paliwanag ni Tuazon, ang pandemya ay itinuturing na ‘Force Majeure’ kaya’t dapat na “free of charge” lamang pag-rebook ng biyahe o pag-refund ng kanilang ticket.
Matatandaang simula nitong Marso 22 ay ipinatupad ng pamahalaan ang NCR Plus bubble, kung saan ang mga residente ng Metro Manila at mga lalawigan ng Bulacan, Cavite, Rizal at Laguna ay pinagbawalang lumabas sa loob ng GCQ bubble maliban kung papasok sila sa trabaho.