
Plano ng Department of Agriculture (DA) na iparehistro ang mga bodega, cold storage facilities at iba pang agricultural logistics hubs upang malabanan ang smuggling.
Sa ilalim ng bagong inisyung Guidelines for the Registry System for Agri Storage, lahat ng pasilidad na nag-iimbak ng produktong agrikultural, maging ito man ay pag-aari o pinangangasiwaan ng third parties, ay kinakailangang irehistro sa pamamagitan ng DA Online Registration System.
Saklaw nito ang mga bodega ng bigas, cold storage ng sibuyas, meat freezers, grain silos, refrigerated container vans, at agricultural storage tanks.
Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel na bibigyang ngipin ng polisiya ang Section 6 ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.
Sa ilalim ng polisiya, ang mga nasa negosyo ng agri-fishery ay kinakailangang may kumpleto, tama at auditable na records.
Kailangan din ideklara ng operators ng mga pasilidad ang kanilang storage capacity, mga hinahawakang kalakal at inventory levels.
Dapat din silang magpanatili ng buwanang operational records at magsumite ng quarterly electronic reports sa pamamagitan ng makabuluhang trade regulatory agencies.










