Mga Bomba na Gawa ng NPA, Narekober ng Militar sa Isabela

Cauayan City, Isabela- Naipasakamay sa hanay ng 98th Infantry (Masinag) Battalion ng 502nd Infantry (Liberator) Brigade ang dalawampu’t walong (28) piraso ng bomba na gawa ng mga teroristang rebelde na narekober ng kasundaluhan sa Sitio Divisoria, Brgy Dibuluan, San Mariano, Isabela.

Ito ay sa tulong ng mga mamamayan sa lugar na nagbigay ng impormasyon sa mga sundalo na kung saan nakuha sa lugar ang 28 Improvised Explosive Devices (IEDs) na may blasting caps; mga detonating cords; at labing lima (15) na Caps IEDs na iniwan ng mga bandidong grupo.

Ayon sa ilang residente sa nabanggit na lugar, gagamitin sana umano ng mga NPA laban sa militar at sa mga development projects sa rehiyon dos ang mga narekober na pampasabog subalit iniwan na lamang ang mga bomba upang makatakas patungo sa mga coastal areas sa probinsya dahil sa pinaigting na operasyon ng mga sundalo.


Ipinasakamay na ng Explosive Ordnance Disposal (EOD) ang mga narekober na pampasabog sa Headquarters ng 5th Infantry Division para sa kaukulang disposisyon.

Samantala, ang pamunuan ng 502nd Brigade sa pamumuno ng Commander na si Brigadier General Danilo D. Benavides ay magpapatuloy sa ginagawang military operations sa rehiyon hanggang sa masawata at mapasuko ang mga natitirang miyembro ng CPP-NPA-NDF.

Facebook Comments