Nanawagan si dating House Speaker at Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano sa mga botante na ilantad at isumbong agad ang mga pulitiko at campaigners na pinipiling bumili ng boto para matiyak ang panalo sa nalalapit na eleksyon.
Giit ni Cayetano, sa isang modernong halalan ay hindi na dapat nangyayari ang nakawan at bilihan ng boto.
Aniya, ang saloobin ng mga tao sa nais na iboto ang dapat na masunod.
Bunsod nito ay umapela ang mambabatas sa publiko na gamitin ang social media at traditional media tulad ng radyo, telebisyon at dyaryo para maisiwalat ang mga nasa likod ng paggamit ng iba’t ibang pamamaraan ng vote-buying.
Sa huling tala ng Philippine National Police (PNP) ilang araw bago ang May 9 election, aabot sa 52 ang record ng mga kaso ng karahasan na may kaugnayan sa halalan habang naiulat din ang paglaganap ng pagbili ng boto gamit ang social media sa maraming bahagi ng bansa.