Hiniling ni Partido Reporma Chairman at standard-bearer Sen. Panfilo “Ping” Lacson sa mga Pilipino na pag-isipang mabuti ang pagpili sa ibobotong kandidato upang maging maayos ang buhay ng mga susunod pang henerasyon.
Sinabi ni Lacson na kung hindi magiging maingat ang mga Pilipino sa pagpili ng kanilang magiging lider ay posibleng mas malala pa ang mararanasan natin sa susunod na anim na taon dahil sa mga magnanakaw.
Sa kanyang mensahe bilang pakikisa sa 5th Annual Celebration of National Bible Day ay ikinumpara ni Lacson ang dalawang magnanakaw na kasalukuyang naglipana sa ating lipunan: ang mga magnanakaw sa kalsada at magnanakaw na nasa gobyerno.
Paliwanag ni Lacson, ang magnanakaw sa kalsada ay pumipili ng nanakawan at nanakawin habang ang magnanakaw naman sa gobyerno ay mamamayang Pilipino ang pumipili tuwing sasapit ang halalan.
Tiniyak ni Lacson na sa ilalim ng kanyang pamumuno, sakaling manalo siya bilang pangulo, ay magkakaroon ng malawakang paglinis sa mga opisyal at kawani ng pamahalaan upang mapaganda ang serbisyo sa taumbayan at maibalik ang tiwala sa gobyerno.