Pinapayuhan ng Philippine Medical Association (PMA) ang mga indibidwal na nakararanas ng sintomas ng COVID-19, makaraang makibahagi sa election activities na magpasuri at sumailalim sa COVID testing.
Sa Laging Handa public press briefing, ipinaliwanag ni PMA President Dr. Benito Atienza na mahalagang masuri ang mga indibidwal na nakararanas ng sintomas ng virus.
Sa ganitong paraan aniya, malalaman ng pamahalaan ang aktwal na bilang ng mga tinamaan ng COVID-19 dahil sa pakikibahagi sa iba’t ibang election activities hanggang sa botohan.
Sa kasalukuyan kasi aniya, kadalasan na ang mga nate-test lamang ay iyong mga indibidwal o pasyente na naa-admit sa mga ospital.
Matatandaan na una na ring binigyang diin ng pamahalaan na kailangang tutukan ang monitoring sa COVID-19 numbers, upang agad na makatugon ang gobyerno depende sa kakailanganin ng sitwasyon.