Mga botanteng walang COVID-19 vaccination card at negatibong RT-PCR test result, tiniyak na makakaboto pa rin sa 2022 elections

Hindi mandatory para sa mga botante na magpakita ng COVID-19 vaccination card at negatibong resulta ng RT-PCR o antigen test bago makaboto sa Mayo 9, 2022.

Ayon kay Commission on Elections (COMELEC) Commissioner George Garcia, ang tanging kailangan lang ng mga rehistradong botante ay dapat nakasuot ito ng face mask habang hindi naman na kailangan ang face shield sa mga polling precinct.

Aniya, ang mga botante ay dapat agad ding umuwi pagkatapos bumoto at huwag nang maglibot-libot sa mga polling precinct o sa paaralan dahil may panganib pa rin ng COVID-19 infections sa bansa.


Muli ring iginiit ni Garcia na ang mga botante na may COVID-19 ay pinapayagan pa ring bumoto at maglalagay sila ng isolation polling places para sa mga makikitaan ng sintomas ng COVID-19 sa araw ng halalan.

Nagpaalala rin si Garcia na bagama’t hindi ipinagbabawal ang cellphone sa loob ng mga polling precinct, hinihikayat niya ang mga botante na huwag itong gamitin dahil maaari silang sitahin at ireklamo ng mga election watchdog.

Facebook Comments