Iginiit ng lokal na pamahalaan ng Maynila na wala silang kinalaman sa nangyaring kontrobersiyal na pagsalakay ng mga awtoridad sa isang sinasabing Philippine Offshore Gaming Operators o POGO hub sa lungsod.
Sa ambush interview, sinabi ni Manila Mayor Honey Lacuna na ang Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) at hindi ang Local Government Unit (LGU) ang nag-utos na salakayin ang Century Peak Tower kung saan nag-oopisina ang umanoy scam hub.
Kaugnay niyan, ipinag-utos na raw ang paghihigpit sa pag-apruba ng mga permit kabilang na ang mga nag-a-apply bilang Business Process Outsourcing (BPO) sa Maynila upang masigurong hindi ito magamit bilang front ng mga iligal na POGO.
Marami raw kasi ang nagpapakilalang BPO ngayon lalo na’t malapit na ang itinakdang deadline ng mga POGO na hanggang sa susunod na buwan na lamang.