Sa ating panayam kay Liga ng mga Barangay o LNB President Victor Dy Jr., sinabi nito na dapat pangunahan ng mga Kapitan ang pagsubaybay sa nasasakupang barangay sa pagsasagawa ng eleksyon sa Lunes para makamtan ang ligtas at patas na halalan.
Kanya ring inihayag na dapat maging neutral o walang pinapanigan at imonitor ng mabuti ang mga kandidato maging ang mga supporters kung lumalabag ang mga ito sa mga ipinagbabawal sa mismong araw ng botohan upang sa ganon ay maisumbong ang mga ito sa COMELEC.
Payo naman ni LNB President sa mga opisyal ng barangay na sa darating na Lunes ay gampanan ang mga trabaho bilang pinuno ng barangay at tiyakin na tahimik at payapa ang proseso ng pagboto ng mga botante.
Tiwala naman ito sa mga barangay officials na alam na ng mga ito ang kanilang mga gagawin dahil una na silang pinulong ng COMELEC para sa kanilang mga dapat gawin ngayong panahon ng eleksyon.
Mensahe naman ng opisyal sa mga voters na piliin ang mga gustong iboto at ng magawa ang karapatang bumoto.
Samantala, ipinaalala naman ng COMELEC Cauayan ang ilan sa mga mahigpit na ipinagbabawal sa mismong araw ng botohan sa Lunes lalo na sa mga kandidato na iwasang mangampanya o iwasang mamigay ng mga pulyetos o flyers sa mga botante, huwag magsuot ng damit na may nakasulat o tatak na iboto itong kandidato o huwag magsuot ng damit na nag-eendorso ng kandidato habang ang mga botante ay malayang magsuot ng anumang kulay na kanilang gusto. Kung may makita aniyang lumalabag sa mga panuntunan ng COMELEC ay kuhanan lamang ng larawan o video at isumbong sa kanilang tanggapan.
Epektibo naman sa araw ng Linggo, May 8 hanggang sa araw ng halalan, May 9 ang Liquor ban kung saan mahigpit na ipagbabawal ang pagbebenta, pagbili at pag-inom ng alak base na rin sa Comelec Resolution No. 10746 at kung sino man ang makita at mapatunayang lumabag ay maaring makulong ng isa hanggang anim na taon.