Mga brownout, wake-up call para sa malayang pamumuhunan ng mga dayuhan

Para kay Senator Imee Marcos, ang mga kawalan ng kuryente ay klarong wake-up call o panggising sa atin para buksan ang malayang pamumuhunan ng mga dayuhan.

Ayon kay Marcos, kailangan ito lalo na sa sektor ng enerhiya upang magkaroon ng pangmatagalang solusyon ang lumalaking pangangailangan ng bansa dahil sa pagdami ng populasyon at climate change.

Dahil dito ay isinulong ni Marcos na agad ipasa ang amyenda sa Foreign Investments Act (FIA) sa gitna ng biglaang kakulangan ng kuryente sa Luzon sa kasagsagan ng panahon ng tag-init.


Pabor si Marcos sa mas liberal o malayang pamumuhunan, kabilang ang pagpapahintulot sa mas malaking porsyentong pag-aari ng mga dayuhan at pagbaba sa capital requirements o minimum na puhunan sa ilang mga industriya.

Diin pa ni Marcos, ang amyenda sa FIA ay kailangang sumentro sa pagtugon sa “non-fiscal incentives” na madalas na hirit ng mga dayuhang investor.

Sabi ni Marcos, tumutukoy ito sa kawalan ng imprastraktura at inter-modal transport, mahal na singil sa kuryente, mahinang Wi-Fi at sa kawalan ng maluwag na pagnenegosyo kumpara sa mga kapitbahay nating bansang ASEAN.

Dagdag pa ni Marcos, dapat maisabatas din ang isang national security review sa bawat dayuhang mamumuhunan sa mga public utilities, para maiwasan ang mga panlabas na pakikialam na nakapipilay lang sa ekonomiya ng ating bansa.

Facebook Comments