Aabot sa 198 iba’t ibang uri ng buhay na Tarantula na may iba’t ibang laki, mula sa isang package ang hinarang ng Bureau of Customs (BOC) sa DHL Express Warehouse sa Pasay City.
Ang palabas na shipment na idineklara bilang “Thermos Mug” ay ipapadala na sana ng isang sender mula sa Pasay City sa isang recipient nito sa Italy.
Natuklasan ang mga tarantula sa loob ng isang package matapos itong Isinailalim sa x-ray at 100% physical examination ng Customs Examiner mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Export Division, Customs Anti-Illegal Drugs Task Force (CAIDTF) at iba pa, kung saan tumambad ang mga buhay na hayop na walang kaukulang permit.
Ang mga nasamsam na Tarantula ay sasailalim sa kaukulang seizure at forfeiture proceedings para sa paglabag sa Sections 117 at 1113 ng Republic Act 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act na may kaugnayan sa RA 9147 o ang Wildlife Resources Conservation and Protection Act.
Agad itinurn-over sa Wildlife Enforcement Officer mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa maayos na paghawak at pagsubaybay alinsunod sa Customs Administrative Order No. 10-2020. Kung saan hindi pinayagan ng Customs na mailabas ng bansa.