Para mapigilan ang lalo pang pagkalat ng COVID-19 ay isinara ang mga sementeryo ngayong Undas kaya walang kinita ang mga nagtitinda ng bulaklak sa Dangwa Flower Market sa Maynila, sa Baguio City at maging sa Cebu.
Pero ayon kay Senator Imee Marcos, hindi naman kailangang ilibing din ang truck-truck na mga hindi nabentang bulaklak dahil may mga paraan para ito ay mapagkakitaan pa.
Mungkahi ni Marcos, gamitin ang mga hindi nabentang bulaklak sa paggawa ng essential oils o kaya ay patuyuin para gawing potpourri o gawing sangkap sa binebentang kandila at sabon.
Hinikayat din ni Marcos ang Department of Science and Technology (DOST) na tumulong sa paggawa ng mga nasabing produkto at ang Department of Trade and Industry (DTI) sa pagpapautang sa negosyo sa ilalim ng Small Business Corporation.
Umaasa naman si Marcos na sa pagbubukas muli ng mga sementeryo simula bukas, November 4, ay makababawi pa rin ng kita ang mga maliliit na negosyante ng bulaklak dahil tiyak namang mayroon pa ring mga bibisita sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.