Mga Bumibili ng Produkto Online, Muling Pinaalalahanan ng DTI Isabela

Cauayan City, Isabela- Muling nagpaalala ang pamunuan ng Department of Trade and Industry (DTI) Isabela sa mga bumibili ng produkto online partikular na ang face shield at face mask ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ms. Chary Anne Gauani, Planning Assistant at Information Officer ng DTI Isabela, kanyang sinabi na dapat maging maingat at mapanuri pa rin sa mga binibiling produkto sa online upang hindi maging biktima ng scam.

Paalala nito sa mga tumatangkilik sa online na huwag agad magtiwala sa mga taong nagtitinda online lalo na kung hindi kakilala dahil marami aniya sa ngayon ang mga nagpapanggap o gumagamit ng ‘fake account’ upang makapambiktima.


Iwasan din na magpadala ng pera sa kahit sinong ka-transaksyon na nakilala lamang sa online lalo na kung malaking halaga ang pinag-uusapan.

Pinakamainam aniya sa panahon ng pandemya sa paraan ng pagbabayad ang Cash on Delivery o COD upang matiyak na hindi maloko at maiwasan na ma-scam.

Kasunod ito ng pagdulog ng dalawang babae mula sa bayan ng Benito Soliven sa himpilan ng iFM Cauayan na sila’y nabiktima umano ng scam matapos umorder ng face shields at makapag padala ng malaking halaga sa isang seller na nakilala lamang sa online.

Ayon sa isang babae na nabiktima umano ng scam, walang dumating sa kanyang biniling face shield na nagkakahalaga ng Php22,000.00 at hindi na rin umano nagparamdam ang taong pinagbilhan at pinadalhan nito ng pera.

Facebook Comments