Nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na iprayoridad ang mga buntis partikular ang mga teenager na nabuntis o mga unplanned pregnancy at mga nagpapasusong ina sa unang isang libong araw ng pilot testing ng Food Stamp Program.
Sinabi ito ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian sa press briefing sa Malacañang sa harap na rin ng marching order ng pangulo na labanan ang pagkabansot at kagutuman sa bansa.
Ayon sa kalihim, naniniwala ang pangulo na ang paglaban sa pagdami ng bilang ng mga bansot na mga sanggol at kabataan ay nagsisimula sa tamang pag-aalaga sa mga buntis at mga nagpapasusong ina.
Sa pamamagitan naman ng listahan ng 4P’s ay matutukoy ang mga buntis at nagpapasusong ina na magiging prayoridad para sa unang isang libong araw na pagpapatupad ng Food Stamp Program.
Ayon naman kay Department of Health Secretary Teodoro Herbosa na magandang sagot sa kagutuman at pagkabansot ng mga bata ang pag-aalaga sa mga buntis at mga nagpapasusong ina.
Sa sinapupunan pa lang ayon sa kalihim ang sanggol ay dapat mayroon nang sustansyang nakukuha at kapag naipanganak dapat na i- breast feeding hanggang anim na buwan dahil nagsisimula na stage na ito ang brain development ng sanggol at maiwasan ang pagkakasakit.
Pagbibigay-diin naman ni Secretay Gatchalian na ang investment ng pamahalaan sa human capital ay pinakamagandang investment dahil kalauna’y malaki ang maitutulong nito sa pag-angat ng eknomiya.