Mga buntis sa Pangasinan makikinabang sa 34.4 milyong budget

Lingayen Pangasinan – Pormal na ipinagkaloob ng National Nutrition Council – Regional Office 1 Director Ma. Eileen Blanco ang tseke na nagkakahalaga ng 34, 489, 960 na budget na ilalaan sa Dietary Supplementation Program (DSP) ng mga buntis na nanay sa lalawigan.

Pormal na tinanggap ang nasabing tseke sa pangunguna nina Fourth District Board Member Jeremy Agerico B. Rosario, Provincial Administrator Nimrod S. Camba, and Provincial Health Office (PHO) Chief Dr. Anna Ma. Teresa S. De Guzman sa tanggapan mismo ng gobernador.

Ang nasabing budget ay para sa implementasyon ng DSP na naglalayon na mapangalagaan at maproteksyunan ang mga buntis na nanay sa mga bayan ng Umingan, Bayambang, Alminos at Urdaneta. Bukod dito masusuportahan din ng nasabing programa ang Early Childhood Care and Development (ECCD) na naglalayong pataasin at tutukan ang nutrisyon ng mga ina at kanilang supling sa loob ng 1,000 na araw. Ayon kay NNC-1 Dir. Ma. Eileen Blanco maiging siguruhing healthy ang mga buntis na mga nanay upang maging healthy din ang kanilang dinadalang sanggol pagkapanganak.


Ang nasabing programa ay suporta din sa Buntis Congress ng lalawigan na isang hakbang upang makamit ang Millenium Development Goals na mapabuti ang kalusugan ng mga ina at mapababa ang bilang ng mga babaeng namamatay dahil sa komplikasyon habang nanganganak.

Photo from Province of Pangasinan facebook

Facebook Comments