Kinumpirma ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Jojo Garcia na ipagbabawal pa rin ang pagbiyahe ng mga bus at jeep sakaling maipatupad ang General Community Quarantine (GCQ) sa buong National Capital Region (NCR).
Ayon kay Garcia, mahihirapan maipatupad ang social distancing sa mga bus at jeep.
Kaya naman, kung sakaling maaprubahan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease (IATF-EID) ang rekomendasyon ng Metro Manila Council (MMC) na ilagay na sa GCQ ang Metro Manila, limitado pa rin ang transportasyon sa buong NCR.
Sa pagpupulong ng MMC kahapon, napagkasunduan aniya na tanging mga taxi, Transport Network Vehicle Services (TNVS), tricycles, point-to-point vehicles at company-provided shuttle services lang ang maaaring bumiyahe sa ilalim ng GCQ.
Ipatutupad na rin aniya ang number coding sa GCQ ngunit modified ito, ibig sabihin, kahit hindi kasama sa coding ang isang sasakayan, maaari itong lumabas kung meron itong kasamang dalawa hanggang tatlong sakay.
Dagdag pa niya, susundin pa rin ang mga panuntunan na ipinatutupad ng IATF-EID kaugnay sa transportasyon habang umiiral ang banta ng COVID-19 sa bansa.
Kaya naman panawagan niya sa mga pribadong kompanya na magbubukas sa June 1, 2020, kung sakaling ipatupad ang GCQ, magbigay ng shuttle service para sa kanilang manggagawa na papasok sa trabaho.
Kahapon, nagkasundo ang 17 mayors ng MMC, kasama rito ang MMDA bilang implementing body, na ilagay na sa GCQ ang NCR at kanilang itong isusumite sa IATF-EID upang maaprubahan.