Manila, Philippines – Kinumpirma ng Metro Manila Development Authority o MMDA na permanente nang isasara ang 3 bus terminal na inikutan nila ngayong umaga katuwang ang LTFRB.
Ito ay matapos mapag-alaman na, walang business permit para sa bus terminal ang DLTB.Co, Dimple Star at Roro Bus Lines na matatagpuan sa North Bound ng EDSA Quezon City.
Ayon kay MMDA Spokesperson Celine Pialago, parking space lang ang nakalagay sa mga dokumento kayat malinaw na wala silang karapatan na mag operate.
Hindi na rin sila bibigyan ng cease and desist order para pagandahin pa ang serbisyo ng terminal dahil wala naman silang permit to operate.
Ilang pasahero ng Dimple Star ang nabasa ng ulan bitbit ang mga pasalubong pauwi sa probinsya dahil walang bubong sa pekeng bus terminal, hindi sementado , walang sapat na upuan at tabing lang na tarpaulin ang palikuran.
Samantala, banta ni MMDA Chairman Danilo Lim, nagsisimula palang sila at marami pang bus terminal na ipapasara katulad nalang sa bahagi ng Pasay.