Mga CAFGU Units na kikiling sa mga kandidato ngayong halalan, binalaan

Mahigpit na pinababantayan ni AFP Chief of Staff General Benjamin Madrigal sa lahat ng mga military commanders ang kanilang CAFGU o Citizen’s Armed Forces Geographical Units.

Ito ay matapos makarating kay Madrigal ang mga impormasyong ginagamit umano ang mga ito ng ilang pulitiko partikular sa Mindanao para maging private armed groups nito.

Kasunod nyan, tiniyak ni Madrigal na mananatili silang apolitical o walang kikilingang pulitiko na kandidato sa darating na halalan sa Mayo maging ang kanilang mga para military units.


Paglilinaw pa ng AFP Chief, hindi basta-basta ang ibibigay nilang military escorts sa isang kandidato lalo at kinakailangan nito ng basbas ng Comelec o Commission on Elections.

Magugunitang anim sa mga suspek sa pagpatay kay AKO Bicol Representative Rodel Batocabe ay pawang mga dating sundalo at CAFGU habang isa rito ay ang dating NPA returnee.

Kasunod nito, binalaan ni Madrigal ang mga CAFGU na mapatunayang may kinikilingang kandidato na sasampahan ng kasong kriminal lalo at papalapit na ang isasagawang plebesito para sa BOL o Bangsamoro Organic Law.

Facebook Comments