Mga Cagayano, Target na Mabigyan ng Libreng Bakuna Laban sa COVID-19

*Cauayan City, Isabela- *Inanunsyo ni Cagayan Governor Manuel Mamba na mabibigyan ng libreng bakuna kontra sa COVID-19 ang lahat ng mamamayan ng probinsya oras na mayroon na ang bakuna sa bansa.

Sinabi ng Gobernador na hindi lang dapat umasa ang pamahalaang panlalawigan sa pamahalaan bagkus ay gumawa ng paraan upang mabigyan ng bakuna ang lahat ng residente.

Desidido rin ang Gobernador na maunang mabigyan ng COVID-19 vaccine basta ito ay inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA).


Maglalaan si Gov. Mamba ng halagang P500 milyon na budget mula sa mga nalikom na donasyon ng iba’t-ibang ahensya ng gobyerno at pondo ng provincial government para sa pagbili ng bakuna.

Hinihikayat naman nito ang mga Local Government Units (LGUs) na maglaan din ng sariling pondo upang magkaroon ng sapat na supply ng bakuna na magmumula sa provincial and national governments.

Dagdag pa ng Gobernador, handa itong mangutang para sa dagdag na pondo ng pamahalaang panlalawigan sakaling magkulang ang budget nito sa bibilhing bakuna para lamang mabigyan ang lahat ng Cagayano.

Ang probinsya ng Cagayan ay pangalawa sa may pinakamaraming aktibong kaso ng COVID-19 sa rehiyon dos.

Facebook Comments