Tinatayang aabot sa mahigit P52,000 na halaga ng Kush Marijuana ang nasamsam ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC), Port of Clark.
Ang kargamento ay mula sa Pennsylvania, USA na idineklarang naglalaman ng “goodies” kung saan dumaan ito sa x-ray inspection at K9 sweeping kaya nabisto ang ilegal na droga.
Sa physical examination, nadiskubre ang walong canisters na naglalaman ng dried buds at dahon ng high-grade marijuana.
Ibinigay sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang sample nito para sa chemical laboratory analysis na siyang nakumpirma sa Tetrahydrocannabinol/Marijuana, isang ipinagbabawal na gamot sa ilalim ng Republic Act (R.A.) No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Dahil dito, agad na naglabas ng Warrant of Seizure and Detention si District Collector Alexandra Lumontad para sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act na may kaugnayan sa Section 4 ng R.A. No. 9165.
Ikinasa naman ang controlled delivery operations ng PDEA at BOC sa Malabon City na nagresulta ng pagkakaaresto ng hindi muna pinangalanang claimant na residente ng Malabon City.