Limampung “Padian” outlets o community stores ang bubuksan ng Department of Agriculture ngayong buwan ng Agosto.
Ang Padian outlets ay kahalintulad ng Kadiwa stores na nauna nang binuksan noon ng National Food Authority na nagbebenta ng mga basic household items.
Bahagi pa rin ito ng programa ng DA upang magkaroon ng available foods para sa mga residente sa remote areas ng Bangsamoro Region.
Ang Padian outlets ay pangangasiwaan ng mga asawa, balo at mga ulila ng mga dating Bangsamoro combatants.
Bawat isa sa limang lalawigan ng Bangsamoro ay bibigyan ng tig-sampu na Padian outlets at pagkakalooban ng P500 libong pondo sa ilalim ng “No Interest, No-Collateral Loan” mula sa Agricultural Credit Policy Council ng DA.
Ang pagtatatag ng Padian stores ay isa sa mga proyekto na natukoy sa ginawang dalawang araw na consultation workshop sa pagbuo ng Agriculture and Fisheries Master Plan para sa Bangsamoro Region na ginanap sa Davao City.