Manila, Philippines – Isinumite na sa House Committee on Justice ang mga dokumentong gagamitin laban kay COMELEC Chairman Andres Bautista.
Ngayong araw sana ang pagpiprisinta ng mga ebidensya laban kay Bautista sa lalamanin ng Articles of Impeachment na isusumite sa Senate Impeachment Court pero hindi natuloy dahil walang kongresista ang nag-commit na dadalo sa pagdinig.
Ang mga dokumento mula sa Presidential Commission on Good Government o PCGG ay naisumite na ni Atty. Manny Luna, ang legal counsel ng VACC, sa tanggapan ng Secretariat ng House Committee on Justice.
Ang mga dokumento ay naunang ibinigay ng mga taga PCGG kay dating Negros Oriental Rep. Jacinto Paras na naglalaman ng mga reklamo tungkol sa 2.5million unliquidated funds at ang naibulsang 2 milyong pisong halaga ng gift checks na pinabili sa mga sequestered companies noong si Bautista ay PCGG Chairman pa.
Umaasa ang abogado na makatutulong ang mga isinumite niyang dokumento sa pagbuo ng articles of impeachment laban kay Bautista.