MGA COVID-19 POSITIVE SA BAYAN NG ROXAS, NAHAWA SA PUBLIC MARKET

Cauayan City, Isabela- Nagsimula sa pampublikong pamilihan sa bayan ng Roxas, Isabela ang pagkalat ng sakit na COVID-19 na dahilan ng naitalang mataas na kaso.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Mayor Jonathan ‘Totep’ Calderon, nasa 145 ang bilang ng kanilang aktibong kaso ng COVID-19 at may 83 pa na suspected patient.

Sa kasalukuyan ay nakasailalim sa General Community Quarantine (GCQ) ang buong bayan ng Roxas na matatapos hanggang ika-27 ngayong Marso kung kaya’t limitado ang galaw ng mga residente lalo na sa centro ng bayan na dinadayo ng mga galing sa karatig bayan.


Istrikto din aniya ang kanilang pagpapatupad sa minimum health standarsd upang mapigilan ang patuloy na pagdami ng COVID cases.

Ayon pa sa alkalde, bagamat naka-GCQ ang bayan ng Roxas ay bukas naman aniya ang kanyang opisina para sa mga mahahalagang transaksyon.

Nagdagdag na rin ang lokal na pamahalaan ng isolation facility para sa mga tinamaan ng virus.

Karamihan din aniya sa mga nagpositibo ay may commorbidities at mga asymptomatic o walang nararamdamang sintomas.

Paalala nito sa mga mamamayan ng Roxas na unawain ang kanilang sitwasyon at sumunod sa ipinatutupad na health and safety protocol upang makaiwas sa nasabing sakit.

Facebook Comments