Pinare-regulate ng Senado ang pagtatayo at operasyon ng mga crematories sa bansa upang maitaguyod ang kalusugan ng publiko at proteksyon ng kapaligiran.
Sa Senate Bill 1208 na inihain ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr., pinaglalatag ng malinaw na mekanismo para sa application, approval at inspeksyon ng mga crematories.
Nakasaad sa panukala na sa ilalim ng new normal ay mas marami na ang tumatangkilik sa cremation kumpara sa tradisyon na paglilibing dahil bukod sa praktikal ay nakatulong din ito sa problema sa limitadong espasyo sa mga libingan.
Sa ilalim ng panukala, ang lokasyon para sa itatayong crematorium ay dapat nasa loob ng sementeryo na hindi bababa sa walong ektarya o kaya ay nasa lokasyon na aprubado ng Sangguniang Bayan, Panglungsod o Munisipalidad.
Mahigpit na ipinagbabawal ang pagtatayo ng crematory malapit sa residential area.
Kailangan ding dumaan ito sa pag-apruba at sertipikasyon ng Department of Health (DOH).
Bukod dito, ang disenyo, pagtatayo, technical requirements, sanitary certification, operation at pag-handle ng mga bangkay ay dapat na sumusunod sa Code on Sanitation at Philippine Clean Air Act of 1999.
Binibigyang mandato naman ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na magpatupad ng anti-pollution measures upang ma-kontrol ang mga air contaminants na dulot ng proseso ng cremation.