Dahil sa patuloy na pagdami ng mga lumalabag sa curfew kahit na may babala ang Philippine National Police (PNP) ay hindi na sila palalagpasin ngayon at kakasuhan na.
Ayon kay Joint Task Force COVID Shield Commander Police Deputy Director General Guillermo Eleazar, nagdesisyon na silang kasuhan ang mga ito dahil lalo lang dumadami ang mga violators nang kanilang pinauwi ang mga unang batch na naaresto.
Sinabi ng opisyal, may Clearance na sila mula sa DOJ na gamitin ang Electronic Inquest o E-INQUEST para sa pagsasampa ng kaso laban sa mga curfew violators.
Dahil dito ay inatasan ang mga Station Commanders na makipag-ugnayan sa kanilang LGU upang humanap ng mas maluwag na lugar na gagamiting temporary jail para ma-obserbahan pa rin ang social distancing.
Kaya apela pa rin ni Eleazar sa publiko na huwag nang lumabag sa ipinatutupad na curfew upang hindi makadagdag pa sa problema na pagkalat ng virus.