Hahabulin na rin ng Department of Justice (DOJ) ang mga Customs examiner kung hindi ito makikipagtulungan sa kampanya laban sa agricultural smuggling.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, mahigpit na pinatututukan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa DOJ ang agricultural smuggling, kung kaya’t posible silang magdemanda kung hindi aniya makikipagtulungan ang mga ito.
Dagdag pa ni Remulla, nasa Bureau of Customs (BOC) na ang bola pagdating sa usapin ng pagpasok at paglabas ng mga produkto sa bansa.
Pinaki-usapan na rin aniya nila ang Customs na makipagtulungan sa DOJ hinggil dito.
Giit pa ng kalihim, hindi maaaring magbulag-bulagan at magbingi-bingihan ang Customs sa usapin ng smuggling.
Inaalam na rin aniya ng DOJ ang lawak ng problema sa smuggling, gayundin ang technical smuggling sa bansa.