Isinusulong ni Senator Jinggoy Estrada ang mahigpit na parusa laban sa mga cybercriminals na tina-target ang mga electronic-wallet at iba pang kahalintulad na plataporma para sa digital financial services.
Sa Senate Bill 2171 o ang panukalang Bank Accounts, Electronic Wallets, and Other Financial Accounts Regulation Act, palalakasin at bibigyang kapangyarihan ang mga ahensya ng gobyerno at financial regulators para labanan ang mga cybercrime scheme at para mabigyan ng epektibong paraan ang mga consumers sa pagresolba sa kanilang mga reklamo.
Dahil sa nakapipinsalang epekto sa ekonomiya ng scamming, hacking, unauthorized transactions, at iba pang modus, ipinadedeklara bilang economic sabotage at karumal-dumal na krimen ang pagkakasangkot sa paggamit ng mass mailer.
Ipinahaharap ang mga lalabag sa parusang habambuhay na pagkakakulong at multang ₱1 million hanggang ₱5 million.
Ipagbabawal at mahaharap din sa mabigat na multa at parusa ang mga masasangkot sa money mule, social engineering schemes at mga gawain na nagtutulak sa pagsasagawa ng mga nabanggit na cybercrimes.