Mga dalaw sa Camp Bagong Diwa, kanselado sa araw ng promulgation ng Maguindanao massacre

Wala munang dalaw sa mga bilanggo sa araw ng promulgation ng Maguindanao massacre.

Ito ang napagkasunduan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) upang higpitan ang seguridad sa loob ng Camp Bagong Diwa sa Taguig kung saan gagawin ang paghahatol sa mga akusado ng Maguindanao massacre.

Sa pulong balitaan sa QCPD, sinabi ni NCRPO Chief Brig. Gen. Debold Sinas, na Disyembre 18 pa lamang ay wala ng maaaring dumalaw sa mga bilanggo at magtutuloy ito hanggang Disyembre 19, araw ng paghahatol.


Tatlong daang mga pulis ang kanyang ipapakalat sa paligid ng kampo upang matiyak na walang makakalusot na anumang banta sa seguridad ng Huwes, mga abogado, pamilya ng biktima at maging ng mga akusado.

Ang mga tauhan naman ng BJMP ang siyang mangangasiwa sa seguridad sa loob ng korte.

Inaprubahan na rin ng Korte Suprema ang live coverage ng mga media sa araw ng promulgation sa December 19.

Facebook Comments