Hindi ligtas ang mga dati at kasalukuyang opisyal sa imbestigasyon na may kaugnayan sa mga kaso ng umano’y extrajudicial killings (EJK) sa bansa.
Ito ang sinabi ng liderato ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) matapos na lumutang ang posibilidad na imbestigahan ang mga high profile deaths na nangyari sa ilalim ng nakaraang administrasyon.
Sa ambush interview kanina, sinabi ni PNP-CIDG Chief BGen. Nicolas Torre III na nakadepende pa rin ito sa mga lalabas na ebidensiya sa mga sinasabing kaso ng EJK.
Pero hindi naman inaalis ni Torre ang posibilidad na makasama rito ang mga dati o kasalukuyang opisyal kabilang na ang mga nasa matataas na posisyon.
Sa ngayon, sinabi ni Torre na pag-uusapan pa nila ng National Bureau of Investigation (NBI) kung paano ang gagawin sa mga pahayag ng mga testigo sa pagdinig ng House Quad Committee kung saan iniimbestigahan ang kampanya kontra iligal na droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.