Sanib puwersang ipinamahagi ng 11th Infantry “Alakdan” Division at Office of the Ministry of Interior and Local Government – Sulu, ang tulong pinansyal sa dalawampu’t dalawang dating miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG).
Isinagawa ang cash distribution sa Camp Bautista, sa Jolo, Sulu.
Ang programa ay alinsunod sa isinusulong na programa ng pamahalaan na Project ‘TUGON’ o Tulong ng Gobyernong Nagmamalasakit na hangaring matulungan ang mga dating ASG members na maging produktibong mamamayan ng Bangsamoro community.
Ayon kay Brig. Gen. Christopher Tampus, General Officer-In-Charge ng 11ID target ng gobyerno na makalikha ng mga livelihood programs na makatutulong upang makapagsimula ang mga dating rebelde ng kanilang panibagong buhay.
Samantala, ikinatuwa naman ni Ministry of Interior and Local Government – Sulu Administrative Officer Nashra Tulawie ang pagbabalik loob ng mga former violent extremists kasabay ng paghihikayat sa iba pang rebelde na talikdan na ang madugong pakikibaka bagkus sumuko sa gobyerno.
Maliban sa cash assistance, nakatanggap din ang mga ito ng food packs at tig-iisang sako ng bigas na bahagi ng sustainment efforts ng pamahalaan sa ilalim ng Project TUGON.