Cauayan City, Isabela- Boluntaryong sumuko sa pwersa ng 95th Infantry Battalion (95IB), 502nd Infantry Brigade (502IBde), Philippine Army at Police Regional Office 2 (PRO2) ang anim (6) na dating miyembro ng makakaliwang grupo bitbit ang kanilang mga matataas na uri ng armas sa City of Ilagan at Nueva Vizcaya.
Kinilala ang mga sumuko na sina alyas Nethan, 29-anyos, Squad Leader; Gerber, 26-anyos, Vice Squad Leader; Jazzel, 27-anyos, S4, kapwa mga Squad Uno; alyas Rey, 27-anyos, Team Leader ng Squad Dos; at alyas Rod, 51-anyos, Giyang Pampulitika ng Squad Tres; at lahat ay pawang mga dating kabilang sa Regional Sentro de Grabidad (RSDG) ng Regional Operations Command sa ilalim ng Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley (KR-CV).
Kabilang si alyas ‘Rod’, Medical Officer ng West Front Committee, Komiteng Probinsya (KOMPROB) Cagayan sa mga sumuko sa probinsya ng Nueva Vizcaya sa pamamagitan ng pagsisikap ng PRO2 at National Intelligence Coordinating Agency (NICA).
Batay sa kanilang pagtaya, hirap na umanong makahanap ng pagkukutaan ang mga dating rebelde noon at hindi na rin umano sila tinatanggap sa mga komunidad na sumusuporta sa kanila dati.
May panawagan naman si alyas “Rod” sa mga kabataan na maging mapagmatyag at iwasang magpahikayat sa anumang grupo o aktibidad ng CNT organization.
Samantala, isinuko ng limang dating miyembro ng RSDG ang isang (1) Elisco M16 rifle, isang (1) Bushmaster M16 rifle, isang (1) M16A1 rifle na may bala.
Agad naman itong ipinasakamay sa mga police authorities para sa isasagawang proseso at dokumentasyon.
Pinuri naman ni PRO2 Regional Director PBGen. Steve Ludan ang malakas na pakikipagtulungan ng Philippine Army, PNP at NICA na makumbinsi ang mga former rebels na sumuko.