Mga dawit sa war on drugs ng pamahalaan, hindi dapat magdiwang sa suspensyon ng ICC probe

Hindi pa dapat magdiwang ang mga sangkot sa kampanya kontra iligal na droga ng pamahalaan.

Ito ay matapos na suspendihin ng International Criminal Court (ICC) prosecutor ang imbestigasyon sa drug war ng Duterte administration kasunod ng inihaing deferral request ng pamahalaan para ito ay ibasura.

Giit ni Deputy Minority leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, hindi pa dapat magpakasaya ang mga responsable sa madugong giyera kontra droga dahil ang pansamantalang pagpapaliban sa imbestigasyon ng ICC ay bahagi lang ng due process para sa Philippine government.


Tiwala ang kongresista na hindi paniniwalaan ng ICC Prosecutor ang pinalalabas na domestic accountability mechanism o pananagutan ng gobyerno.

Kabilang dito ang pagbaba sa bilang ng mga iniimbestigahang kaso ng drug-related killings na mula sa 6,000 ay 52 na lamang ang siniyasat.

Wala rin aniyang maasahang accountability o hindi rin mapapanagot si Pangulong Rodrigo Duterte dahil ito ay may immunity o proteksyon laban sa mga kasong posibleng ihain sa kanya sa bansa.

Kaisa aniya sila ng mga abogado at mga kaanak ng biktima sa panghihikayat sa ICC prosecutor na i-deny o ibasura ang anumang deferral request ng gobyerno at sa halip ay ituloy ang pagsasagawa ng “full-blown investigation” sa drug-war.

Facebook Comments