Okay lang kay Senator Nancy Binay ang suhestyon na “green lane” para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na fully vaccinated at cleared na ng mga health authorities sa mga bansang kanilang pinanggalingan.
Pero mariing kinontra ni Binay ang ikinokonsidera na pagbubukas ng Pilipinas sa mga dayuhan kahit pa sila ay nabakunahan na laban sa COVID-19.
Pahayag ito ni Binay sa harap ng pag-aaral na ginagawa ng gobyerno sa mungkahi ng Department of Tourism (DOT) na maglaan ng “green lane” para sa mga dayuhang turista na tumanggap na ng full doses ng COVID-19 vaccine.
Babala ni Senator Binay, kahit pa bakunado ang darating na mga turista, ay posible pa ring mayroon sa kanila ang asymptomatic at carrier ng COVID-19.
Bagama’t nauunawaan ni Binay ang pangangailangan na muling pasiglahin ang turismo ay kanyang ipinunto na paano natin maaasikaso ang mga banyagang turista na gustong mamasyal sa bansa kung marami pa rin tayong kaso ng COVID-19.
Giit pa ni Binay, hindi pa rin natin natutugunan ang mga isyu sa public health tulad ng testing, kakulangan sa bakuna, mahinang contact-tracing systems, mababang inoculation rate at vaccine hesitancy ng ating mga kababayan.