Inihayag ng Bureau of Immigration (BI) na simula mamayang hatinggabi ay hindi na rin papayagang makapasok sa bansa ang mga dayuhan mula sa bansang Austria.
Ito’y matapos isama ang Austria sa listahan ng travel restricted countries na hindi pinapayagang makapasok sa Pilipinas dahil sa bagong COVID-19 variant.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, ang restriction sa nasabing bansa ay tatagal hanggang January 15 lamang.
Paliwanag pa ni Morente, sa ngayon ay aabot na sa 28 bansa ang may travel ban na ipinatutupad ng gobyerno.
Pinakahuling nadagdag ang mga bansang Portugal, India, Norway, Jordan, Brazil at Austria.
Pero nilinaw ng Immigration Department na lahat ng mga Pinoy na galing sa mga restricted countries ay papayagang makapasok sa bansa subalit kailangan lamang nilang sumailalim sa 14-day quarantine period .
Dagdag pa ni Morente, ang lahat naman na dumaan lang sa nasabing mga bansa ay hindi na oobligahin sa 14-day quarantine pero kailangan sumailalim sa regular protocols.