Mas lumakas pa ang mga tagasuporta ni Partido Reporma standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson matapos ang matapang niyang pagharap sa unang edisyon ng debate na inorganisa ng Commission on Elections.
Bukod sa mga positibong komento na natanggap mula sa mga netizen, iba’t ibang personalidad din ang nagpahayag ng kanilang obserbasyon sa naging magandang performance ni Lacson.
Kabilang na rito ang batikang radio host na si Cesar Chavez. Sa kanyang Twitter post nitong Sabado habang ginaganap ang ‘PiliPinas Debates 2022: The Turning Point’, inihayag niya kung gaano kabihasa si Lacson sa pagtugon sa mga mahihirap na tanong.
“Kabisado ni Sen. Ping Lacson ang facts and figures, context and perspective sa anti-poverty response,” tweet ni Chavez, kasama ng mga hashtag na #desisyon2022 #PiliPinasDebates2022.
Sinabi niya rin na kitang-kita ang kahandaan ni Lacson na aniya’y “mukhang gumawa ng homework,” gayundin ang dalawa sa iba pang presidential aspirant.
“Iyong iba mukhang nasa bilyaran kagabi, ‘di preparado,” ayon pa sa bahagi ng kanyang tweet. Naging top 1 si Lacson sa kanyang listahan ng pinakamagandang performance sa unang dalawang round sa nasabing debate.
Aprub din para kay Chavez ang holistikong pamamaraan na panukala ni Lacson pra maiwasan ang muling pagdami ng COVID-19 case sa Pilipinas. “Lumalabas ang kanyang executive ability at foresight sa issue ng pandemya,” aniya.
Maging si Philippine Airlines (PAL) Spokesperson Cielo Villaluna ay hanga kay Lacson na aniya ay “competent, qualified at experienced.”
Sa kanyang Facebook account ay nag-share si Villaluna ng isang post ni Lacson na naglalaman ng kanyang huling statement sa nasabing debate. Komento ng PAL Spokesperson, “Extraordinary times need a highly effective bureaucracy, competent leadership, accountability in governance. Extraordinary times need an Extraordinary Leader.”
Sa social media, mas marami pang kuwento ang ibinahagi ng mga netizen tungkol sa pag-“Switch to Ping” dahil sa klaro niyang mga plano na inilatag sa debate—bagay na hindi naipakita ng isang tumangging dumalo sa nasabing event kung saan nagtagisan ng talino ang bawat kandidato sa pagkapangulo.