Mga disease experts, nanawagan na aksyunan kaagad ng WHO ang laban kontra Monkeypox

Nanawagan ang ilang prominenteng infectious disease experts ng mas mabilis na action mula sa mga global health authorities na pigilan ang paglaganap ng Monkeypox outbreak sa buong mundo.

Mababatid na kumalat na ito sa hindi bababa sa 20 bansa.

Ayon sa mga eksperto, hindi na dapat maulit ng mga gobyerno at ng World Health Organization (WHO) ang mga pagkakamali nila dati noong nagsisimula pa lang ang COVID-19 pandemic kung saan nagkaroon ng aberya sa pag-detect ng mga kaso dahilan para kumalat ito.


Bagama’t hindi gaanong nakakahawa o delikado ang Monkeypox kumpara sa COVID-19 ay dapat magkaroon ng malinaw na panuntunan kung ano ang gagawin sa mga taong mai-infect ng Monkeypox mula sa pag-isolate hanggang sa pagpapabuti ng testing at contact tracing dito.

Ayon kay Geneva Centre for Emerging Viral Diseases Professor Isabelle Eckerle ng Switzerland, kapag naging pandemic ang naturang sakit sa mas marami pang bansa ay magkakaroon muli tayo ng kakalabaning sakit na magdudulot ng mahihirap na desisyon na makakaapekto sa pagbangon ng mundo.

Sa ngayon, kinokonsidera pa lamang ng WHO kung ituturing ang nararanasang outbreak bilang potential public health emergency of international concern o PHEIC.

Facebook Comments