Mga district hospitals sa lungsod ng Maynila, pawang mga severe at critical COVID-19 cases na muna ang tatanggapin

Inihayag ng lokal na pamahalaan ng Maynila na pawang mga severe at critical COVID-19 cases na muna ang kanilang tatanggapin sa anim na district hospital sa lungsod.

Ito’y sa ilalim ng direktiba na inilabas ni Mayor Francisco “Isko” Moreno kung saan inatasan niya ang mga hospital director, Manila Health Department at Manila Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) na i-optimize ang paggamit ng mga hospital bed at iba pang resources kasabay ng pagtaas ng kaso ng Omicron variant.

Nais din ng Manila Local Government Unit (LGU) na manatiling bukas ang hospitals para sa mga pasyenteng may ibang karamdaman.


Kaugnay nito, ang mga pasyenteng may COVID-19 na pawang may mga mild symptom pero may iba pa o kasabay na karamdaman na kinakailangan ng atensyong medikal ay kanila pa ring tatanggapin o i-a-admit sa anim na district hospitals.

Napagdesisyunan ito ng alkalde upang sa ganitong paraan ay mabibigyan ng tamang atensyon ang ibang indibidwal na may karamdaman tulad ng cancer, heart disease, diabetics o ang mga kailangan ng dialysis, mga manganganak at mga sanggol.

Ang mga asymptomatic o nakakaranas ng mild symptoms ay inaabisuhan na mag-isolate na muna sa kanilang tahanan kung may sapat na espasyo at kung wala naman, maaari silang manatili sa quarantine facilities ng lungsod.

Facebook Comments