Mga donasyon, dagsa pa rin para sa Maginhawa Community Pantry; isang obispo, tinawag na “mabuting virus” ang nasabing inisyatibo

Sa gitna ng mga mahabang pila ng mga kumukuha sa Maginhawa Community Pantry ay hindi pa rin ito nauubusan ng mga groceries.

Ayon sa nagpasimula ng community pantry sa Quezon City na si Ana Patricia Non, mula pa nang buksan nila ito noong nakaraang linggo ay tuloy-tuloy lamang ang pagbuhos ng mga donasyon mula pa sa iba’t ibang lugar.

Kasunod nito, ikinatuwa naman ni Non na nagkaroon na rin sa iba’t ibang lugar sa bansa ng sariling community pantry.


Aniya, kung posible, sana ay bawat kanto magkaroon ng community pantry para mas maraming kababayan natin ang makinabang dahil marami rin ang gustong tumulong.

Kaugnay niyan, isang community pantry ang inilagay ng isang residente sa Barangay Bogñabong, Tabaco City, sa Albay.

Ayon kay Sheila Brobio, na-inspire siya sa Maginhawa Community Pantry at naisipan din niyang maglagay ng community pantry sa labas ng kanilang bahay para na rin makatulong sa mga ka-barangay na higit na nangangailangan lalo na ngayong may pandemya at banta ng bagyo.

Bukod dito, isang community pantry rin ang itinayo sa Intramuros, Maynila na binabantayan pa ng mga guardia sibil.

Una nang sinabi ni Diocese of Caloocan Bishop Pablo Virgilio David na isang mabuting virus ngayon ang kumakalat dahil nangingibabaw ang pagtutulungan at pagbabayanihan ng bawat Pilipino.

Facebook Comments