Desisyon na ngayon ng Department of Health (DOH) kung gagamitin ang mga donasyong bakuna ng China kahit na wala pa itong Emergency Use Authorization (EUA).
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Food and Drug Administration (FDA) Director General Usec. Eric Domingo na sang-ayon sa batas hindi namang ipinagbabawal ang pagtanggap ng gobyerno ng mga gamot na hindi pa rehistrado sa bansa o wala pang EUA.
Katwiran nito, basta’t ang mga ito ay may EUA mula sa kanilang country of origin ay maaari itong tanggapin ng DOH.
Nasa kamay na aniya ng DOH kung kanila itong gagamitin dahil sila ang may full responsibility rito.
Kamakailan, nag-apply na for EUA ang Sinovac pero kasalukuyan parin itong dumadaan sa masusing pagsusuri ng FDA.
Nitong Sabado, matatandaang sinabi ni Chinese State Councilor and Foreign Minister Wang Yi na magdo-donate sila ng 500,000 bakuna sa Pilipinas sa layuning masugpo ang COVID-19.