Mga drug case laban kay de Lima, hihina kapag tuluyang umalis sa WPP ang vital witness

Manila, Philippines – Posibleng humina ang kaso laban kay senadora Leila de Lima hinggil sa umano ay pagkakasangkot nito sa kalakaran ng iligal na droga sa bilibid.

Ito ay oras na tuluyan nang kumalas sa ilalim ng Witness Protection Program (WPP) ang isa sa itinuturing na vital witness sa kaso nito na si dating pnp-cidg intelligence officer police c/ Supt. Jerry Valeroso.

Sa eksklusibong panayam ng RMN Manila, inamin ni Valeroso na pinag-iisipan na niyang umalis sa ilalim ng WPP, gayundin ang iba pang testigo sa kaso ni de Lima.


Bukod kasi sa wala siyang natatanggap na kahit anong benepisyo at proteksyon mula sa WPP, nakakatanggap na rin siya ng mga pagbabanta sa kanyang buhay.

Umaasa naman si Valeroso na makararating sa Malacañang ang kanyang hinaing at maibigay sa kanya ang benepisyon at proteksyong dapat na ipagkaloob sa kanya ng WPP bilang testigo.

Samantala, sa panayam pa rin ng RMN Manila, tiniyak ni Cong. Reynaldo umali na ipararating niya sa bagong chairman ng house justice committee ang reklamong pagpapabaya ng WPP kay Valeroso.

Matatandaang si Umali ang chairman noon ng house justice committee nang simulang imbestigahan ng Kamara ang mga drug case ni de Lima.

Facebook Comments